Pinuri ng Department of Tourism (DOT) ang girl group na BINI at Filipino member ng multinational group na Katseye na si Sophia Laforteza matapos ang kanilang makasaysayang pagtatanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival sa Estados Unidos.

Ayon sa DOT, naipakita ng mga artistang Pilipino ang galing ng bansa sa isa sa pinakamalalaking music festivals sa mundo, kung saan naging kauna-unahang Filipino act ang BINI na nagtanghal sa Coachella.

Umabot sa 45 minuto ang kanilang performance na binubuo ng 10 kanta, na umani ng atensyon mula sa international audience. Makikita rin sa venue ang pagwagayway ng mga bandilang Pilipino habang nagtatanghal ang grupo.

Binigyang-diin ng ahensya na ang sabay na paglabas ni Laforteza at BINI sa entablado ay nagpapakita ng lumalawak na impluwensya ng musikang Pilipino sa global stage, kasabay ng pag-angat ng kultura, talento, at identidad ng mga Pilipino sa mundo.

Advertisement

Bilang pagkilala, naghain si Negros Occidental 3rd District Rep. Javi Benitez ng House Resolution No. 930 upang parangalan ang BINI bilang unang Filipino pop group na nagtanghal sa Coachella. Nauna na ring naghain ng kaparehong resolusyon si Sen. Bam Aquino.

Patuloy ding pinag-uusapan sa international media ang performance ng grupo, kabilang ang ulat ng The Hollywood Reporter na tumalakay sa kanilang pag-angat mula simula hanggang sa global stage.

Matapos ang Coachella, nakatakda namang magtanghal ang BINI sa Grammy Museum sa Abril 21, kung saan ipakikilala rin nila ang kanilang bagong extended play na “Signals.”

Advertisement