Inimbitahan ng Philippine Red Cross-Camarines Sur Chapter, ang publiko na makiisa sa isasagawang Dugong Bombo Bloodletting Activity ng Bombo Radyo Naga sa Nobyembre 14, 2026 araw ng Sabado sa 2nd Floor Event Centre, LCC CBD2 Naga City, upang makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng dugo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Maria Feliza Badiola, Chapter Administrator ng Philippine Red Cross-Camarines Sur Chapter,sinabi nito na nakahanda na ang kanilang Blood Services Team para sa nasabing aktibidad na regular na isinasagawa taun-taon.
Hinihikayat ni Badiola ang mga indibidwal na nasa mabuting kalagayan ng kalusugan na kusang-loob na magbigay ng dugo, na mas mainam isagawa sa umaga. Layunin ng bloodletting activity na madagdagan ang suplay ng dugo na magagamit ng mga pasyenteng nangangailangan ng pagsasalin ng dugo.
Ayon pa kay Badiola, bukod sa pagtulong sa kapwa, may kaakibat ding libreng medical screening ang pagdo-donate ng dugo. Kabilang dito ang pagsukat ng blood pressure, temperatura, at iba pang palatandaan ng kalagayan ng kalusugan ng donor, alinsunod sa pagsusuri ng medical team.
Dagdag pa niya, ang mga interesadong mag-donate ay kailangang nasa mabuting kalusugan at dalhin ang mga kinakailangang dokumento para sa proseso ng pagdo-donate. Ang medical team ang magtitiyak kung ang isang indibidwal ay kwalipikadong magbigay ng dugo.
Para sa mga nais makiisa, inaanyayahan silang magtungo sa LCC sa Nobyembre 14, at mas mainam kung sa umaga magpapa-screening. Magkakaroon din ng pagkakataong makilala ang iba pang serbisyo ng Philippine Red Cross, kabilang ang membership program na may benepisyo para sa tulong sa oras ng aksidente.
Nagpasalamat din si Badiola sa Bombo Radyo Naga sa pagtuloy na pagsasagawa ng blood letting activity at sa paghikayat sa mga nais maging bahagi ng boluntaryong pagdo-donate ng dugo.
Sa pamamagitan ng nasabing aktibidad, hinihikayat ang komunidad na makibahagi sa pagtulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng dugo, dahil ang isang boluntaryong donasyon ay maaaring makatulong upang makapagligtas ng buhay.








