Itinuturing ng panig ng Prosecution na hindi naging matagumpay ang unang presentasyon ng Depensa ni Vice President Sara Duterte matapos humarap bilang testigo si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin.

Ayon kay Prosecution Spokesperson at dating Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers, hindi umano tuwirang sinagot ni Adalin ang mga katanungan ng prosecution at tila iniwasan ang mga mahahalagang paksang kailangang mapatunayan sa paglilitis.

Paliwanag ni Barbers, hindi nagawang pahinain ng testimonya ni Adalin ang mga ebidensiyang iniharap ng prosecution laban kay VP Sara kaugnay ng mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman o unexplained wealth.

Batay naman sa pagsusuri ng prosecution, maraming kahinaan ang naging testimonya ng unang saksi ng depensa, na tila hindi rin umano maalala ang ilang mahahalagang detalye na may kaugnayan sa kaso.

Advertisement

Dagdag ni Barbers, hindi isinasara ang posibilidad na sampahan ng kasong perjury ang mga testigo ng depensa kung mapatunayang nagsinungaling ang mga ito sa kanilang mga pahayag sa korte.

Advertisement