Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima na muling pag-isipan ni Naga City Mayor Leni Robredo ang posibilidad na tumakbo sa pagka-pangulo sa 2028 national elections.

Ito ay sa kabila ng paulit-ulit na pahayag ni Robredo na wala siyang balak na muling sumabak sa pambansang politika, kabilang ang pagtakbo sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.

Aminado si De Lima na nakalulungkot ang desisyon ng alkalde, lalo na para sa mga umaasang muli itong makikilahok sa national politics. Gayunpaman, umaasa siyang hindi pa sarado ang posibilidad na magbago ang isip nito, habang iginagalang ang anumang magiging pinal na desisyon.

Para kay De Lima, mahalagang magkaroon ang bansa ng lider na may kakayahan, katapatan at malasakit sa bayan tulad ni Robredo. Aniya, higit na kailangan ang ganitong uri ng pamumuno sa harap ng mga suliranin at hamong kinakaharap ng Pilipinas.

Advertisement

Pinuri rin niya ang napatunayan nang kakayahan ng dating bise presidente at ang kanyang patuloy na pagsusulong ng mabuting pamamahala at integridad sa serbisyo publiko.

Dahil dito, sinabi ni De Lima na patuloy siyang umaasang maaari pang magbago ang pananaw ni Robredo tungkol sa pagbabalik sa pambansang politika.

Samantala, muling iginiit ni Robredo nitong Lunes, Nobyembre 9, na wala na siyang planong kumandidato sa 2028 presidential elections.

Ayon sa alkalde, matagal na niyang pinag-isipan ang desisyong manatili sa lokal na pamahalaan matapos piliing tumakbo bilang mayor ng Naga City noong 2025.

Dagdag pa niya, naging bahagi ng kanyang pagpapasya ang pagkilala sa sarili niyang kakayahan at limitasyon, gayundin ang mga hamon na kaakibat ng politika sa pambansang antas.

Sa halip na muling kumandidato, nagpahayag naman si Robredo ng kahandaang suportahan ang mga indibidwal na sa kanyang paniniwala ay may sapat na kakayahan at karapat-dapat pagkatiwalaan sa pamumuno sa bansa.

Advertisement