Nasawi ang limang batang babae matapos bumulusok sa isang malalim na sapa ang bus na kanilang sinasakyan noong Martes sa Kandal Province, Cambodia, na matatagpuan may 40 kilometro sa hilaga ng kabisera nitong Phnom Penh.

Batay sa salaysay ng mga nakasaksi, biglang sumulpot ang isang motorsiklo sa harapan ng bus dahilan upang mapilitang pumreno ang drayber. Dahil umano sa bilis ng takbo, nawalan ito ng kontrol, dumulas sa gilid ng kalsada at tuluyang nahulog sa sapa.

Agad namang nagtulong-tulong ang mga residente upang iligtas ang mga batang sakay ng bus, bagama’t naging mahirap ang pagsagip dahil sa lalim ng tubig.

Sakay ng bus ang 26 na mag-aaral na nasa edad 12 hanggang 14. Bukod sa limang nasawi, tatlo ang nasa kritikal na kondisyon habang 18 iba pa ang nagtamo ng mga pinsala.

Advertisement

Ayon sa lokal na pulisya, pagkalunod ang sanhi ng pagkamatay ng limang bata. Posible rin umanong mas marami pa ang nasawi kung hindi agad rumesponde at tumulong ang mga residente.

Samantala, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang 31-anyos na drayber ng bus para sa karagdagang imbestigasyon at pagtatanong kaugnay ng insidente.

Advertisement