Pinarangalan ni US Defense Secretary Pete Hegseth ang isang sundalong nagpamalas ng disiplina at propesyonalismo matapos nitong sawayin ang kalihim at ang mga kasama nito dahil sa pag-iingay malapit sa Tomb of the Unknown Soldier sa Arlington National Cemetery noong paggunita ng Veterans Day.

Ginawaran ni Hegseth ng Joint Service Commendation Medal si Specialist Iglesias, miyembro ng 3rd Infantry Regiment ng US Army o mas kilala bilang The Old Guard, sa isang seremonyang ginanap sa Pentagon nitong Huwebes.

Pinuri rin ng kalihim ang sundalo at sinabing mahalaga sa kanila ang mga sundalo at ang mahigpit na pagpapatupad ng mga pamantayan sa serbisyo.

Nangyari ang insidente nitong Miyerkules nang marinig na nagtatawanan at nag-uusap ang grupo ni Hegseth matapos kumuha ng larawan sa naturang lugar. Dahil dito, lumapit si Iglesias at pinaalalahanan sila na panatilihin ang katahimikan at paggalang sa paligid ng bantayog.

Advertisement

Nag-viral ang video ng insidente at umani ng mga batikos mula sa ilang netizen at mambabatas. Gayunman, sa halip na magalit, pinuri ni Hegseth ang sundalo dahil sa matapat at propesyonal nitong pagtupad sa tungkulin.

Ang Tomb of the Unknown Soldier ay mahigpit na binabantayan ng The Old Guard 24 oras kada araw mula pa noong 1948. Layunin nitong bigyang-pugay ang mga hindi nakilalang sundalong Amerikano na nagbuwis ng buhay sa mga digmaan.

Bahagi ng tungkulin ng mga sentinel ang tiyaking napapanatili ang katahimikan at kaayusan sa paligid ng makasaysayang bantayog, kabilang ang pagsita sa sinumang hindi sumusunod sa mga itinakdang alituntunin.

Advertisement