Kinumpirma ng Bank of the Philippine Islands (BPI) na nagkaroon ng dollar accounts si Vice President Sara Duterte.
Nakasaad ito sa liham na ipinadala ng bangko sa Senate Impeachment Court matapos bawiin ng depensa ang planong pagpapaharap kay BPI Vice President at Legal Department Head Atty. Paul Roderick Ysmael bilang testigo, dahil hindi na umano ito kinakailangan.
Ayon kay private prosecution lawyer Atty. James Bryan Alih, ikinababahala ng prosekusyon ang naging hakbang ng depensa dahil nais pa sana nilang linawin ang ilang detalye mula sa liham ng BPI na nagpapatunay sa pagkakaroon ng dollar accounts ni Duterte.
Nais din sanang siyasatin ng prosecution team ang naturang mga account at isailalim sa cross-examination ang bank officer, lalo’t hindi kabilang ang mga dollar account sa mga dokumentong ipinag-utos ng impeachment court na isumite sa pamamagitan ng subpoena.
Gayunman, hindi pinayagan ni Senate President at presiding officer Chiz Escudero ang karagdagang pagtalakay sa isyu. Paliwanag niya, hindi pa naihaharap sa impeachment court ang naturang dokumento at hindi rin niya nais pangunahan ang depensa sa mga susunod nitong ihaharap na testigo.
Iminungkahi ni Escudero na kung nais pa ring isulong ng prosekusyon ang usapin, maaari silang maghain ng tender of excluded evidence o memorandum. Maaari rin itong talakayin sa kanilang closing remarks o sa rebuttal stage.














