Pinalawak ng Department of Agriculture (DA) ang programa nito sa pagbabakuna laban sa African Swine Fever (ASF) bilang bahagi ng pagsisikap na buhayin at palakasin ang industriya ng baboy sa bansa.
Ayon sa DA, halos kalahating milyong baboy na ang nabakunahan, habang nasa 65 porsiyento naman ng mga lugar na naapektuhan ng sakit ang nakarekober na.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na layunin ng programa na maibalik sa dating antas ang lokal na produksyon ng baboy bago kumalat ang ASF noong 2019, kung kailan umabot sa humigit-kumulang 13 milyon ang populasyon ng mga baboy sa bansa.
Batay sa ulat ng Bureau of Animal Industry (BAI), umabot sa 499,008 doses o 99.8 porsiyento ng target utilization ang naiturok mula 2024 hanggang unang kalahati ng 2026 sa pitong probinsiya. Kabilang dito ang paggamit ng AVAC ASF Live Vaccine na nagmula sa Vietnam.
Bukod sa pagbabakuna, pinalalakas din ng pamahalaan ang biosecurity measures sa mga komunidad sa pamamagitan ng Community Animal Biosecurity Interventions (CABI). Naglaan din ang DA ng P49.824 milyon na tulong pinansyal para sa mga apektadong magbababoy sa walong rehiyon.
Gayunman, nananatili pa rin ang aktibong kaso ng ASF sa 236 barangay sa 23 probinsiya, habang 716 na lugar ang itinalagang buffer zones.
Dahil dito, patuloy ang panawagan ng DA sa mga magbababoy na higpitan ang pagpapatupad ng biosecurity measures upang maiwasan ang muling pagkalat ng sakit at mapabilis ang pagbangon ng industriya ng baboy sa bansa.














