Nakaapekto sa kredibilidad ng mga testigo ng depensa ang kanilang pag-aalinlangan sa mahahalagang detalye ng mga dokumentong iniharap sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Jerico Angelo P. Galvez, Election Lawyer, tinalakay nito ang kahalagahan ng pagiging handa ng isang testigo sa pagharap sa korte, kasunod ng mga nagdaang pagdinig.

Ayon kay Galvez, kabilang sa mahahalagang katangian ng isang epektibong testigo ang pagiging kapani-paniwala at pagkakaroon ng sapat na personal na kaalaman sa mga bagay na kanyang pinatutunayan.

Kabilang sa mga naging problema sa testimonya ng ilang testigo ang kawalan ng katiyakan sa pagtukoy sa mga ari-arian, pagkilala sa mga pirma, at pagpapaliwanag sa relasyon ng isang accounting firm sa mga kumpanyang may koneksyon sa pamilya Duterte.

Advertisement

Sinabi rin nito na ang naging testimonya ni Bahan ay nagdulot ng pagdududa dahil sa kawalan nito ng katiyakan sa pagkilala sa sarili niyang pirma at pag-alala sa kanyang naging partisipasyon sa isang transaksyon o partnership.

Binigyang-diin din ni Galvez na dapat iwasan ng mga testigo ang palaging pagtingin sa kanilang mga abogado habang sumasagot sa mga tanong, dahil maaari itong magbigay ng impresyon na naghihintay sila ng gabay kung paano sasagot.

Ipinaliwanag pa niya na pinapayagan ang paghahanda bago ang pagdinig, subalit hindi ang coaching habang aktuwal na nagbibigay ng testimonya.

Dahil dito, hinikayat ni Galvez ang depensa na higit pang paghandaan ang mga susunod na testigo, partikular sa mga posibleng tanong tungkol sa kanilang personal na kaalaman at kaugnayan sa mga dokumentong ilalahad sa pagdinig.

Samantala, umaasa si Galvez na magiging makatarungan at nakabatay sa sapat na ebidensya ang magiging desisyon sa impeachment trial.

Advertisement