Muling magpapatuloy ngayong Huwebes, Nobyembre 19, ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado matapos pansamantalang suspendihin ang mga pagdinig dahil sa pagdaraos ng 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa bansa.

Inaasahang maghahain ng apat na testigo ang defense team ni Duterte ngayong araw at sa Biyernes, Nobyembre 20, bilang bahagi ng pagpapatuloy ng kanilang presentasyon ng mga ebidensya kaugnay ng natitirang Article II ng impeachment complaint.

Kabilang sa mga inaasahang haharap sa impeachment court si Atty. Rainer Dela Fuente ng AML Consulting Philippines upang talakayin ang mga probisyon ng Anti-Money Laundering Act (AMLA).

Magbibigay rin ng testimonya si Department of Trade and Industry Undersecretary for Industry Development and Investment Promotions Group Ceferino Rodolfo hinggil sa pagpaparehistro ng Cale88 Foods Corporation sa Board of Investments.

Advertisement

Samantala, tatalakayin naman ni Food and Drug Administration Director IV Pilar Marilyn Pagayunan ang pagpaparehistro ng produktong sweetened banana chips ng Cale88.

Inaasahan ding haharap si Rowena Mendoza, general manager ng Center for International Expositions and Missions (CITEM), o ang kanyang kinatawan, upang magbigay-linaw sa mga komunikasyon at imbitasyong ipinadala sa Cale88 para lumahok sa mga food exposition.

Ayon kay Senate impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol, nakatuon ang mga testimonya ng apat na saksi sa mga alegasyong nakapaloob sa Article II.

Nakatuon ang naturang artikulo sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman, hindi kumpletong deklarasyon ng mga ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at umano’y ipinagbabawal na interes ng bise presidente sa negosyo.

Matatandaang nauna nang inanunsyo ng defense team na plano nitong magharap ng walo hanggang sampung testigo sa mga susunod na pagdinig.

Sa ngayon, nananatiling nakasentro ang paglilitis sa Article II matapos bawiin ng prosecution panel ang tatlo pang artikulo ng impeachment complaint noong Oktubre 13.

Advertisement