Inusisa ni Senator-Judge Kiko Pangilinan ang dating Anti-Money Laundering Council o AMLC official na si Atty. Rainer Dela Fuente tungkol sa naging ugnayan nito kay Atty. Edward Gialogo, na dating law firm partner ng testigo, sa ika-44 na araw ng impeachment trial.

Kinumpirma ni Dela Fuente na naging magkasosyo sila ni Gialogo sa isang law firm mula 2018 hanggang 2021 at matagal na rin silang magkakilala bilang magkaibigan simula pa noong kolehiyo.

Tinanong ni Pangilinan kung alam nito na naging abogado ng Duterte Youth Party-list si Gialogo. Sinabi naman ni Dela Fuente na wala siyang personal na kaalaman tungkol dito, bagama’t posible aniya dahil nakatuon sa election practice ang larangan ng abogasya ng dating kasosyo.

Inusisa rin ni Pangilinan ang umano’y pagsuporta ni Gialogo sa kampanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016. Gayunman, nilinaw ni Dela Fuente na wala siyang alam tungkol dito dahil hindi na sila nagkakausap.

Advertisement

Samantala, nang tanungin kung sino ang kanyang ibinoto noong 2016 National Elections, inamin ni Dela Fuente na hindi na niya matandaan kung nakaboto siya noong nasabing halalan.

Advertisement