Nahatulang guilty ang pastor na si Christian Emmanuel Sanon, residente ng Florida, sa walong kasong may kaugnayan sa sabwatan upang patalsikin sa puwesto at paslangin ang dating Pangulo ng Haiti na si Jovenel Moïse noong 2021.
Ayon sa mga tagausig, pinangunahan umano ni Sanon ang isang plano upang mapalitan si Moïse bilang pangulo ng Haiti. Pinaniniwalaang layunin niyang makakuha ng mga kontrata para sa isang kumpanyang nakabase sa Florida sakaling makamit niya ang kapangyarihan.
Sa imbestigasyon, lumitaw na ang orihinal na plano na patalsikin lamang si Moïse sa puwesto ay nauwi sa isang mas marahas na hakbang na nagresulta sa pagpaslang sa dating pangulo.
Noong Hulyo 6, 2021, pinaslang si Moïse sa loob mismo ng kanyang tahanan matapos salakayin ng mga armadong mersenaryong Colombian. Nasugatan din sa naturang pag-atake ang kanyang asawa.
Matapos ang walong linggong paglilitis sa korte sa Miami, napatunayang guilty si Sanon sa lahat ng walong kasong isinampa laban sa kanya. Dahil dito, maaari siyang mahatulan ng habambuhay na pagkakakulong.
Samantala, mariing itinanggi ng abogado ni Sanon ang pagkakasangkot ng kanyang kliyente sa krimen. Inihayag din nitong plano nilang iapela ang naging desisyon ng korte.
Ang hatol kay Sanon ay panibagong mahalagang pangyayari sa nagpapatuloy na paghahanap ng katarungan para sa pagpaslang kay dating Pangulong Moïse, na nagdulot ng matinding krisis pampulitika at seguridad sa Haiti.








