Nagbigay-daan ang Naga City District Jail sa paggamit ng karapatang bumoto ng mga Persons Deprived of Liberty o PDL sa isinagawang plebisito kaugnay ng panukalang gawing Highly Urbanized City ang Naga City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay JCINSP Ralph Vincent M. Bobis, Acting Jail Warden ng Naga City District Jail, kinumpirma nito na nasa kabuuang 84 na PDL ang matagumpay na nakaboto sa loob ng pasilidad ng kulungan.
Bahagi ito ng 143 rehistradong botanteng PDL sa nasabing pasilidad, kung saan ang ilan ay nakalaya na o pansamantalang wala sa kulungan.
Ayon kay Bobis, mahalagang mabigyan ng pagkakataon ang mga PDL na makaboto dahil nananatili silang bahagi ng komunidad.
Binigyang-diin din nito na hindi nawawala ang kanilang karapatang bumoto hangga’t walang pinal na desisyon ang korte na nag-aalis sa naturang karapatan.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng pamunuan ng kulungan sa Commission on Elections o COMELEC upang matiyak na napapanahon at updated ang listahan ng mga rehistradong botanteng PDL.
Samantala, hinikayat ni Bobis ang lahat ng residente ng Naga City na samantalahin at gamitin ang kanilang karapatang bumoto sa nagpapatuloy na plebisito.














