Kinuwestiyon ni House lead prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro ang naging estratehiya ng legal team ni Vice President Sara Duterte sa pagtatanggol sa kanya sa impeachment trial.
Ayon kay Luistro, hindi umano direktang nasagot ng kampo ni Duterte ang mga alegasyon kaugnay ng P817.87 milyong halaga ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente.
Sinabi ni Luistro na maaaring may dalawang dahilan kung bakit hindi nasagot ng depensa ang naturang isyu: maaaring hindi sapat ang kakayahan ng kanilang legal team o sadyang mahirap ipagtanggol ang mga alegasyong kinakaharap ng bise presidente.
Kinuwestiyon din ng mambabatas ang mga testigong iniharap ng depensa dahil hindi umano tumutugon sa pangunahing isyu ang kanilang mga testimonya.
Matatandaang nauna nang nagsumite ang panig ng prosekusyon ng iba’t ibang ebidensya, kabilang ang mga bank records, dokumento ng mga korporasyon at pagsusuri ng mga accountant.
Sa kasalukuyan, Article II na lamang na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ang natitirang usapin sa impeachment trial matapos bawiin ang tatlo pang artikulo.
Patuloy naman ang kampo ni Duterte sa paghahain ng mga ebidensya upang pabulaanan ang mga alegasyon laban sa kanya.
Inaasahang magpapatuloy ang impeachment proceedings sa Disyembre 1, 2026.








