Nasa 30 katao ang naiulat na nasawi habang 15 iba pa ang nasugatan matapos masunog at sumabog ang isang fuel tanker sa Cairo Ring Road, Al-Warraq, Egypt.
Ayon sa Egyptian Ministry of Health, paunang bilang pa lamang ang naitalang mga nasawi at patuloy pang sinusubaybayan ng mga awtoridad ang sitwasyon.
Batay naman sa Egyptian Petroleum Ministry, nawalan umano ng kontrol ang pribadong tanker truck, lumihis sa kalsada at bumangga bago tuluyang sumabog.
Agad na rumesponde ang 39 na ambulansya sa lugar upang tulungan ang mga biktima. Isinugod naman sa mga kalapit na ospital ang 15 sugatan upang mabigyan ng agarang lunas.
Iniutos ni Health Minister Khaled Abdelghaffar ang pagpapataas ng alert level sa central crisis room ng kagawaran at sa mga ospital na malapit sa pinangyarihan upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa insidente.
Nakibahagi rin ang Egyptian Red Crescent sa mga operasyon ng pagsagip at emergency response.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente habang minomonitor ang kalagayan ng mga biktima.








