Nanawagan si House Deputy Speaker Janette Garin kay Vice President Sara Duterte na personal na dumalo sa impeachment trial upang harapin at sagutin ang mga alegasyong inihain laban sa kanya.
Ayon kay Garin, magsisilbing pinakamainam na pagkakataon ang paglilitis upang direktang masagot ni Duterte ang mga katanungan at linawin ang mga paratang na tanging ang Bise Presidente lamang ang makapagbibigay ng kaukulang paliwanag.
Binigyang-diin din ni Garin na hindi lamang ang prosecution panel ang naghihintay sa pagharap ni Duterte sa impeachment court, kundi maging ang publiko na nais marinig ang kanyang panig hinggil sa mga alegasyon.
Dagdag pa ng kongresista, bahagi ng responsibilidad ng isang halal na opisyal ang harapin at sagutin ang mga paratang laban sa kanya, lalo na kung nabibigyan siya ng pagkakataong ipaliwanag ang kanyang panig sa pamamagitan ng isang impeachment trial.










