Muling binigyang-pansin ni Senador Raffy Tulfo ang patuloy na paglaganap ng mga pekeng Persons with Disability (PWD) ID at kinuwestiyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung paano nito mapipigilan ang mga hindi kwalipikadong indibidwal na makinabang sa mga pribilehiyong nakalaan para sa mga tunay na PWD.

Sa deliberasyon sa panukalang 2027 budget ng DSWD sa plenaryo ng Senado nitong Miyerkules, Nobyembre 25, muling iginiit ni Tulfo ang epekto ng paggamit ng mga pekeng ID, partikular sa mga restaurant at iba pang establisyimentong nagbibigay ng 20 porsiyentong diskuwento at VAT exemption.

Matatandaang naging usapin ang umano’y malawakang paggamit ng mga pekeng PWD ID matapos ibunyag ng Department of Justice noong Oktubre na tinatayang anim na milyon ang posibleng gumagamit ng mga kahina-hinalang ID.

Advertisement

Bilang tugon, ipinaliwanag ni Senador Risa Hontiveros, na sponsor ng panukalang budget ng ahensiya, ang mga hakbang na isinusulong ng DSWD upang matugunan ang problema. Kabilang dito ang pagpapatupad ng Unified Persons with Disability ID System.

Sa ilalim ng panukala, gagamit ng QR code na konektado sa isang live database upang madaling ma-verify ng mga establisyimento kung lehitimo at rehistrado ang isang PWD ID bago ibigay ang kaukulang diskuwento at benepisyo.

Ayon kay Hontiveros, nasa 82 porsiyento na ng mga local government unit (LGU) ang saklaw ng rollout ng unified system. Sa pamamagitan ng QR code, maaaring i-scan ng mga restaurant, hotel at iba pang negosyo ang ID upang matiyak kung nakatala sa opisyal na database ang may hawak nito.

Samantala, matapos ang deliberasyon at interpellation ng ilang senador, inaprubahan na sa plenaryo ng Senado ang mahigit ₱253 bilyong panukalang budget ng DSWD at mga attached agency nito para sa 2027. Dadaan pa ito sa mga susunod na proseso bago tuluyang maisama sa pambansang budget.

Advertisement