Isang oil tanker na lulan ang tinatayang 7,000 toneladang diesel ang tumaob sa karagatan malapit sa Ibiza, Spain, na nagresulta sa pagkamatay ng isang tripulante.
Ayon sa ulat, 17 tripulante ang sakay ng barkong Med Emre. Pitong katao ang dinala sa ospital, subalit isa sa kanila ang kalauna’y nasawi. Anim naman ang nagtamo ng minor injuries, kabilang ang hypothermia o matinding pagbaba ng temperatura ng katawan.
Patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang posibleng pagtagas ng diesel mula sa barko na maaaring magdulot ng pinsala sa yamang-dagat at kapaligiran.
Dahil bahagyang nakalubog na ang tanker, pinag-aaralan na rin ang pagsasagawa ng recovery operations upang maialis ito sa lugar.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng paglubog ng barko at ang posibleng lawak ng pinsala nito sa karagatan.








