Nasawi ang isang 55-anyos na lalaki matapos mahulog ang minamaneho niyang kotse mula sa ikaapat na palapag ng isang gusali sa Makati City nitong Huwebes ng umaga.

Batay sa paunang imbestigasyon, pababa na sa parking area mula sa ikalimang palapag ang sedan ng biktima dakong alas-11:46 ng umaga nang sumalpok ang kaliwang bahagi nito sa pader habang binabagtas ang pababang driveway.

Dahil dito, nawalan umano ng kontrol ang driver at sumunod pang bumangga ang sasakyan sa isang bollard bago tuluyang bumulusok mula sa gusali.

Bumagsak nang pabaliktad ang kotse sa Jimenez Street, kung saan natagpuan ang biktima na wala nang buhay sa loob nito dahil sa mga pinsalang tinamo.

Advertisement

Kinumpirma ni Makati City Police Chief PCol. Pedro Alagano Jr. ang pagkamatay ng driver.

Rumesponde naman ang mga rescue personnel ng Makati City upang mailabas ang katawan ng biktima mula sa nawasak na sasakyan.

Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente upang matukoy ang eksaktong dahilan ng aksidente at iba pang kaugnay na pangyayari.

Advertisement