Hinimok ng Malacañang ang mga Pilipino na bantayan at subaybayan ang paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), dahil direktang may kinalaman dito ang mga mamamayang naghahanap ng katarungan at ang dating lider na nahaharap sa mga paratang.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), hindi lamang ang pamahalaan ang dapat magbigay-pansin sa mga pagdinig, kundi maging ang publiko, sapagkat mahalagang bahagi ito ng paghahanap ng hustisya para sa mga Pilipinong sangkot sa kaso.

Inaasahang sisimulan ng ICC Trial Chamber III ang paglilitis kay Duterte sa Nobyembre 30 sa The Hague, Netherlands. Una munang magbibigay ng kaniyang plea ang dating pangulo bago ihayag ng prosekusyon at mga kinatawan ng mga biktima ang kanilang pambungad na pahayag. Tinatayang nasa 100 testigo ang ihaharap ng prosekusyon sa kabuuan ng paglilitis.

Advertisement

Nahaharap si Duterte sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng umano’y mga pagpatay at tangkang pagpatay sa Pilipinas mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019.

Samantala, mahigit 500 biktima ang pinahintulutang makilahok sa proseso ng paglilitis. Gayunman, mananatiling umiiral ang presumption of innocence o pagpapalagay na walang sala ang dating pangulo hangga’t hindi napapatunayan sa korte ang kaniyang pagkakasala.

Advertisement