Umapela si National LPG Alliance of the Philippines (NLAP) President Jose “Jojo” Cruz sa Department of Energy (DOE) na muling pag-isipan ang pagpapatupad ng mga panuntunan para sa LPG Cylinder Swapping Centers, lalo na kung posibleng magdulot ito ng dagdag na paghihirap sa mga konsyumer.
Sa isinagawang public consultation ng DOE-Oil Industry Management Bureau (OIMB), iginiit ni Cruz kay DOE Director Rino Abad na hindi dapat basta ipatupad ang isang polisiya dahil lamang sa layuning masunod ang batas, kung maaari naman nitong maapektuhan ang kapakanan ng publiko.
Mariing nagpahayag ng pagtutol ang NLAP, kasama ang ilang independent LPG dealers at iba pang stakeholders, sa panukalang ipagkatiwala sa mga LPG marketer ang pangangasiwa at pamamahala ng mga swapping center.
Ayon sa grupo, posibleng magdulot ang naturang sistema ng karagdagang gastusin, abala at pasanin hindi lamang sa mga nagtitinda kundi maging sa mga mamimili ng LPG sa bansa.
Dahil dito, hiniling ng mga stakeholder sa DOE na masusing suriin at timbangin muna ang posibleng epekto ng panukalang regulasyon bago ito tuluyang ipatupad, upang matiyak na hindi mapapahamak ang interes at kapakanan ng mga konsyumer.








