Inatasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (Meralco) na isauli ang tinatayang P1.99 bilyon sa mga konsyumer nito dahil sa mga sobrang singil sa kuryente.

Ayon sa ERC, nagmula ang naturang halaga sa labis na paniningil para sa return on plant, gayundin sa mga gastusin sa pensiyon at employee benefits na hindi pinahintulutang ipasa sa mga konsyumer.

Magsisimula ang pagbibigay ng refund sa susunod na billing cycle matapos matanggap ng Meralco ang kautusan. Lalabas ito sa bill bilang hiwalay na singil na may markang “RAB Refund” at ipamamahagi sa loob ng tatlong buwan o hanggang sa tuluyang makumpleto ang pagbabalik ng halaga.

Advertisement

Para naman sa mga residential customer, katumbas ng P0.2611 kada kilowatt-hour ang refund. Halimbawa, ang isang sambahayang kumokonsumo ng 200 kWh bawat buwan ay maaaring makatanggap ng humigit-kumulang P52 na bawas sa buwanang bill, o kabuuang P157 sa loob ng tatlong buwan.

Ipinaliwanag ng ERC na layunin ng kautusan na matiyak ang makatarungang paniningil sa kuryente at maibalik sa mga konsyumer ang perang nararapat na mapunta sa kanila.

Advertisement