Tinawag ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña na paglihis lamang umano sa tunay na isyu ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na nais nitong personal na humarap at ipagtanggol ang sarili sa impeachment trial.

Ayon kay Cendaña, kung seryoso ang Bise Presidente sa naturang hakbang ay maaari na sana itong ginawa noon pa, sa halip na umasa lamang sa kaniyang legal team.

Kinuwestiyon din ng mambabatas ang puna ni Duterte na naging plastikan lamang ang deliberasyon sa panukalang badyet ng Office of the Vice President. Giit niya, dapat ding ipakita ng Bise Presidente ang paggalang sa proseso ng impeachment at humarap upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kaniya.

Samantala, nanawagan si Cendaña sa publiko na mahigpit na bantayan ang pagtalakay sa pambansang badyet upang maiwasan ang pamumulitika at matiyak na mapupunta ang pondo sa mahahalagang serbisyong panlipunan.

Advertisement

Kabilang sa mga nais niyang mabigyang-pansin ang pondo para sa EDSA Bus Carousel, Service Contracting Program, Department of Health at PhilHealth, kasabay ng panawagan para sa transparency at aktibong pakikilahok ng mga citizen watchdog.

Advertisement