Kinuwestiyon ni Senador Robinhood “Robin” Padilla ang halos 19 na taong pagkaantala sa pagpapatupad ng Water Sensitive Urban Tollway component ng North Luzon East Expressway (NLEE), na iginawad sa Ausphil Tollways Corporation noong 2007.

Sa pagtalakay sa panukalang pambansang budget para sa 2027, hiniling ni Padilla na maipaliwanag kung bakit hindi pa rin naisasakatuparan ang proyekto sa kabila ng Public-Private Partnership o PPP scheme nito, na hindi umano nangangailangan ng direktang pondo mula sa pamahalaan.

Ipinaliwanag naman ni Senate budget sponsor JV Ejercito na may mga legal na usapin at dokumentong kailangan pang makumpleto bago maipagpatuloy ang proyekto.

Ibinunyag din ni Padilla ang umano’y paghingi ng P100 milyong halaga para maaprubahan ang proyekto.

Advertisement

Dahil dito, naghain ng mosyon si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri upang ipaubaya sa Senate Blue Ribbon Committee ang pagsisiyasat sa matagal na pagkaantala ng proyekto at sa alegasyon ng nasabing halaga.

Inaasahang makatutulong ang humigit-kumulang 100 kilometrong NLEE sa pagpapabilis ng transportasyon at pagtugon sa problema ng pagbaha sa ilang bahagi ng Central Luzon.

Advertisement