Nagbabala ang isang general pediatrician sa panganib na dulot ng dengue sa mga bata, kasabay ng pagbibigay-diin sa kahalagahan ng maagang pagkilala sa mga sintomas at agarang pagpapakonsulta upang maiwasan ang malulubhang komplikasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga Kay Dr. Paul Candice Ellen M. Eler, FPPS | General Pediatrician, ipinaliwanag nito na mas madaling maapektuhan ng malubhang kondisyon dulot ng dengue ang mga bata dahil mas mabilis silang makaranas ng dehydration bunsod ng pagtagas ng plasma mula sa mga daluyan ng dugo.

Ayon kay Eller, kabilang sa mga karaniwang sintomas ng dengue ang biglaang pagsipa ng mataas na lagnat, pananakit ng ulo at likod ng mga mata, pananakit ng katawan at mga kasukasuan, kawalan ng gana sa pagkain, pagsusuka at pagkakaroon ng pantal sa balat.

Advertisement

Gayunman, maaari umanong mapagkamalan ang mga sintomas nito bilang karaniwang trangkaso o urinary tract infection (UTI), kaya mahalagang maging mapagmatyag ang mga magulang, lalo na kung nakararanas ng lagnat ang bata nang walang kasamang ubo at sipon.

Binigyang-diin din ng pediatrician na hindi dapat balewalain ang mga warning signs ng dengue, kabilang ang matinding pananakit ng tiyan, paulit-ulit na pagsusuka, pagdurugo ng ilong at gilagid, at iba pang sintomas. Aniya, kinakailangang dalhin agad sa ospital ang batang nakararanas ng mga naturang sintomas.

Samantala, hindi rin inirerekomenda ang paggamit ng halamang tawa-tawa bilang panlunas sa dengue dahil wala pang sapat na siyentipikong ebidensiya na nagpapatunay sa bisa at kaligtasan nito sa paggamot ng naturang sakit.

Nilinaw din ni Eller na hindi kinakailangang bigyan ng antibiotic ang mga pasyenteng may dengue dahil virus ang sanhi nito, maliban kung may kasabay na bacterial infection na nangangailangan ng naturang gamot.

Para naman sa home care ng mga pasyenteng walang warning signs, mahalaga ang sapat na pag-inom ng tubig, fruit juice, sabaw at oral rehydration solution (ORS), gayundin ang pahinga at regular na pagsusuri ng doktor.

Nanawagan si Eller sa mga magulang na huwag ipagwalang-bahala ang mga sintomas ng dengue upang maiwasan ang malubhang komplikasyon ng dengue sa mga bata.

Advertisement