Photo © web

Itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang alegasyong may mga heneral umano sa hanay nito na naghahandang magsampa ng reklamo laban kay Gilberto Teodoro Jr., kalihim ng Department of National Defense (DND).

Sa isang briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni AFP spokesperson for the West Philippine Sea na Roy Vincent Trinidad na walang basehan ang naturang pahayag at isa lamang itong “biro” na hindi dapat seryosohin.

Itinanggi rin ni Trinidad ang umano’y pagkakaroon ng tensyon sa pagitan ni Teodoro at ng pamunuan ng militar, at iginiit na nananatiling maayos ang ugnayan ng DND at AFP.

Lumabas ang isyu matapos magsampa ng reklamong perjury at falsification ang isang abogado laban kay Teodoro kaugnay ng umano’y pagkakaroon nito ng Maltese passport. Kaugnay nito, iginiit ng naturang abogado na may ilang heneral din umanong nagbabalak magsampa ng kaparehong reklamo.

Advertisement

Samantala, sinabi ni AFP spokesperson Francel Margareth Padilla na hindi papatol ang AFP sa mga alegasyong walang sapat na batayan at hindi beripikado.

Binigyang-diin ni Padilla na nananatiling propesyonal, disiplinado, at walang kinikilingang organisasyon ang AFP. Tiniyak din niyang patuloy na sinusuportahan ng militar si Teodoro bilang kalihim ng depensa at wala umanong isinasagawang loyalty check sa hanay ng mga sundalo at opisyal.

Nauna nang sinabi ng DND na ang reklamong inihain laban kay Teodoro ay nakabatay lamang sa mga alegasyong hindi pa napapatunayan.

Advertisement