Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bahagi lamang ng kanilang standard security operations ang pagdedeploy ng mga Marines sa Senado at wala itong kaugnayan sa anumang kamakailang insidente, kabilang ang usapin sa posibleng pag-aresto kay Senador Ronald dela Rosa.
Ayon kay AFP spokesperson na si Francel Margareth Padilla, regular na nakatalaga ang mga tropa upang magbigay ng perimeter security sa iba’t ibang institusyon ng gobyerno bilang bahagi ng matagal nang umiiral na protocol.
Sinabi rin niya na mayroon ding mga nakahandang tauhan sa mga pangunahing pasilidad ng pamahalaan gaya ng Malacañang Palace at Rizal Monument.
Ayon kay Padilla, ilang taon nang ipinatutupad ang naturang sistema bilang bahagi ng tungkulin ng militar para sa seguridad ng mahahalagang institusyon ng bansa.
Ginawa ng AFP ang paglilinaw sa gitna ng mga kumakalat na ulat at espekulasyon na iniuugnay ang deployment ng Marines sa posibleng pag-aresto kay Dela Rosa kaugnay ng kaso sa International Criminal Court (ICC).
Binigyang-diin din ng AFP na hanggang perimeter security lamang ang mandato ng mga Marines kaya hindi sila pumapasok sa loob ng gusali ng Senado o maging sa Palasyo.
Gayunman, sinabi ng militar na maaari pa ring mabago ang deployment depende sa sitwasyon at kung kakailanganin ang kanilang assistance.














