Mariing pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kumakalat na social media posts na nagsasabing may mga “coup plotters” o grupong tinatawag na “Third Force” na nagbabalak patalsikin ang gobyerno.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Colonel Xerxes Trinidad, hindi binibigyan ng AFP ng kredibilidad ang mga hindi beripikadong post sa social media. “The AFP remains focused on its constitutional mandate and the faithful performance of its duty as protector of the people and the State,” ani Trinidad.
Tinukoy din niya na ang mga ulat na ito ay walang batayan at nagdudulot lamang ng kalituhan at pagkakawatak-watak ng publiko, lalo na sa gitna ng kasalukuyang krisis sa Middle East. Hinimok ng AFP ang lahat ng Pilipino na iwasan ang pagkalat ng maling impormasyon at manatiling mahinahon. “Ang AFP ay isang propesyonal na organisasyon na iginagalang ang Konstitusyon, sumusunod sa chain of command, at nananatiling tapat sa tungkulin nitong ipagtanggol ang soberanya, protektahan ang mamamayan, at igalang ang batas,” dagdag ni Trinidad.












