Pinuri ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Atin Ito Coalition matapos matagumpay na marating ang Pag-asa Island at maitaas ang watawat ng Pilipinas sa Sandy Cay nitong weekend, ayon kay AFP spokesperson for West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad.
Ayon kay Trinidad, ang hakbang ng grupo ay patunay ng matatag na diwa ng mga Pilipino at malinaw na paggigiit ng sovereign rights ng bansa sa West Philippine Sea.
Sinabi rin ng AFP na ang mapayapang presensya ng coalition sa lugar ay nagpapalakas sa tinig ng mga mangingisda at mga komunidad na umaasa rito bilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan.
Nanindigan ang AFP sa patuloy nitong suporta sa mga mapayapa at rules-based na hakbang na naaayon sa 2016 Arbitral Award.
Ang ikaapat na misyon ng Atin Ito ay isinasagawa gamit ang M/V Felix Oca, na maghahatid ng pagkain, fuel, serbisyong medikal, at community concert para sa mga residente at kalahok hanggang bukas, Mayo 5.














