Maaaring maglabas ng subpoena ang House Committee on Justice kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang asawa, Atty. Manases Carpio, kaugnay ng P50-milyong agwat sa pagitan ng kabuuang sahod ni Duterte at ng kanyang idineklarang net worth, ayon kay Rep. Terry Ridon.
Ayon kay Ridon, chairman ng House Committee on Public Accounts, hihingin ng komite ang income tax returns, bank transactions, at SEC registration ng mga negosyo na nakalista sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte para sa 2023 at 2024.
Ipinapakita ng SALN na tumaas ang net worth ni VP Duterte mula P7.25 milyon noong 2007 hanggang P88 milyon noong 2024. Sa kabilang banda, ang kabuuang sahod niya mula 2007 hanggang 2024 ay humigit-kumulang P30–40 milyon lamang.
“Kaya kailangan ipaliwanag ng Bise Presidente ang agwat mula P30–40 milyon hanggang sa P88 milyon na net worth na naisumite noong 2024,” paliwanag ni Ridon.
Dapat ipaliwanag ng bise presidente kung ang pagkakaibang ito ay mula sa iba pang legal na pinagkakakitaan, tulad ng kita mula sa law practice o negosyo. Base sa kalkulasyon ni Ridon, ang mga negosyo ay kailangang kumita ng P200–400 milyon sa loob ng 17 taon upang maipaliwanag ang P50-milyong agwat.
Tiniyak ni Ridon na lampas ito sa simpleng correction ng SALN: “Ibang bagay ‘yung correction… kasi SALN should actually reflect ‘yun pong actual picture ng iyong wealth.”
Bibigyan ng pagkakataon si Duterte na ipaliwanag ang agwat sa proseso ng impeachment.














