Isang handwritten letter mula kay Ramil Madriaga ang naglalaman ng umano’y planong patalsikin sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ipalit si Vice President Sara Duterte pagsapit ng 2025, ayon sa ulat na lumabas nitong Abril 2026.

Sa naturang sulat na may petsang April 11, 2026, inilahad umano ang mga pagpupulong noong November 2021 kung saan tinalakay ang pagpapahintulot sa pagtakbo ni Marcos Jr. bilang pangulo, ngunit may kasunod na planong alisin siya sa puwesto sa kalaunan.

Nakasaad din umano sa dokumento na maaaring isagawa ang pagpapalit sa pangulo “sa anumang paraan,” at si VP Sara ang iluluklok bilang kapalit, na maaari pang tumakbo sa halalan sa 2028.

Ayon pa sa sulat, inilatag ang posibleng senaryo ng kaguluhan, kabilang ang mass resignations, malawakang protesta, pag-atake sa Malacañang, at maging ang posibilidad ng kudeta na may partisipasyon umano ng iba’t ibang grupo at indibidwal.

Advertisement

Binanggit din na si Madriaga ay naatasang mag-recruit ng mga grupo, kabilang ang mga kriminal at sindikato, upang maghasik ng kaguluhan na magpapabilis sa umano’y planong pagbabago ng pamahalaan.

Samantala, inaasahang tatalakayin ang mga alegasyon sa pagdinig ng House impeachment inquiry, kung saan posibleng tanungin si Madriaga ng mga mambabatas hinggil sa kanyang mga pahayag.

Iginiit naman ni Terry Ridon na dapat manatiling nakatuon ang imbestigasyon sa mga isyung direktang may kinalaman sa impeachment at iwasan ang pagtalakay sa mga usaping hindi saklaw nito.

Hanggang sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag sina Rodrigo Duterte at Sara Duterte kaugnay sa mga alegasyon, habang bukas naman ang media outlet na Bombo Radyo sa panig ng kampo ng bise presidente upang sagutin ang mga paratang.

Advertisement