Ibinahagi ng bagong LTO Chief na si Atty. Noreen San Luis ang kanyang karanasan sa pagtatrabaho sa lokal na pamahalaan ng Naga City bilang isa sa pinakamaganda at pinakamasayang bahagi ng kanyang karera sa serbisyo publiko.

Sa panayam ng media kay Atty. Noreen San Luis, sinabi niya na naging makabuluhan ang kanyang panunungkulan dahil sa direktang pakikipag-ugnayan sa publiko at sa mga local government unit (LGU), kung saan mas madaling makita ang resulta ng mga programa at inisyatibang ipinapatupad.

Ayon kay San Luis, malaki ang naging epekto ng kanyang karanasan sa LGU sa kanyang pananaw hinggil sa regulasyon at kaligtasan. Aniya, ang mga insidente ng aksidente at paglabag sa mga batas-trapiko ay hindi dapat ituring na magkakahiwalay na pangyayari, kundi mga sitwasyong kailangang masusing siyasatin upang matukoy ang mga ugat ng problema.

Binigyang-diin niya na kabilang sa mahahalagang tungkulin ng pamahalaan ang pagbibigay ng lisensya sa mga kwalipikadong aplikante, pagpaparehistro ng mga sasakyang ligtas gamitin sa kalsada, at pagpapatupad ng batas.

Advertisement

Dagdag pa niya, mahalagang matiyak na tunay na kwalipikado ang mga aplikanteng pinagkakalooban ng lisensya upang mapanatili ang kaligtasan ng mga motorista at iba pang gumagamit ng kalsada.

Samantala, binigyang-diin din niya na hindi sapat ang pagkakaroon ng tiwala sa sarili at mabuting hangarin sa paglilingkod. Mahalaga rin ang disiplina, dedikasyon, at determinasyon sa pagtupad sa mga responsibilidad sa trabaho.

Advertisement