Tiniyak ng National Food Authority (NFA) Camarines Sur na sapat ang kanilang suplay ng bigas upang matugunan ang pangangailangan ng lalawigan hanggang 2028, bunsod ng patuloy na pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jeneline Celestial, Branch Manager ng NFA Camarines Sur, sinabi nitong kasalukuyang umaabot sa 568,441 sako ng palay ang kanilang imbentaryo, bukod pa sa tinatayang 30,000 sako ng lokal na bigas.
Ayon kay Celestial, patuloy ang pagbili ng NFA ng palay mula sa mga magsasaka sa Camarines Sur at Camarines Norte upang mapanatili at madagdagan ang kanilang buffer stock. Kabilang din sa kanilang hakbang ang tuloy-tuloy na paggiling ng palay upang matugunan ang pangangailangan ng mga local government unit (LGU) at mga benepisyaryo ng P20-per-kilogram rice program.
Sa kasalukuyan, nasa 200,000 sako ng palay mula sa kanilang imbentaryo ang nakatakdang ipagiling hanggang Disyembre 31. Inaasahang makakakuha rito ng halos 130,000 sako ng bigas na maaaring gamitin para sa distribusyon at paghahanda sakaling magkaroon ng kalamidad o kakulangan sa suplay.
Samantala, tiniyak din ng NFA na nananatiling abot-kaya ang presyo ng bigas sa ilalim ng kanilang mga programa. Maaaring makabili ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo, habang nagkakahalaga naman ng ₱2,500 kada sako ang bigas na ibinebenta sa mga LGU. Maaari ring bumili ang mga LGU ng NFA rice sa halagang ₱35 kada kilo para sa kanilang buffer stock at mga programang pangdistribusyon.
Binigyang-diin din niya na bukas ang NFA sa pakikipagtulungan sa lahat ng LGU upang matiyak ang patas na distribusyon ng bigas at maiwasan ang anumang uri ng palakasan sa pagpili ng mga benepisyaryo.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagbili ng lokal na palay, pagpapalawak ng mga distribution center at pakikipag-ugnayan sa mga LGU, layon ng NFA Camarines Sur na matiyak ang sapat, dekalidad at abot-kayang suplay ng bigas para sa mga mamamayan.














