NAGA CITY – DEAD-ON-THE SPOT ang isang babae matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Guis Guis Talon, Sariaya, Quezon.

Kinilala ang biktima na isang babae na nakasuot ng gray jacket, puting t-shirt at pantalon, tinatayang nasa 4’10 ang tangkad at nasa 25 hanggang 30-anyos.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang sakay ng kaniyang motorsiklo ang biktima ng tumigil ito para sagutin ang tawag sa kaniyang cellphone nang lapitan ito ng hindi pa nakikilalang suspek at pinagbabaril na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang naturang krimen, agad namang tumakas ang suspek sa hindi pa malamang direksyon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, narekober sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong fired cartridges ng hindi pa malamang kalibre ng baril.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente gayundin ang pagtunton sa posibleng kinaroroonan ng suspek.