NAGA CITY- Patay ang isang babae matapos pagsasaksakin ng sariling kalive-in partner sa Sampaloc, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Lorena Miranda Maglaya, 49-anyos, residente ng Barangay San Isidro sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nagkaroon ng mainit na argumento ang biktima at ang suspek na si Josue Prinsipe Callejo, 53-anyos, residente rin nang nasabing lugar at dito na pinagsasaksak ng suspek si Maglaya.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, mababatid na dahil sa tama ng saksak, agad binawian ng buhay ang biktima.

Sa ngunyan ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad lalo na ang paghahanap sa posibleng kinalalagyan ng suspek na agad tumakas matapos ang nasabing krimen.