NAGA CITY- Patay ang isang babae matapos sakalin ng isang lalaki sa Cadlit, Buenavista, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Anastacia Buenafe, 50-anyos, residente ng Sitio Taluto, sa nasabing lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang biktima at ang suspek na si Deymar Abrincillo , 38-anyos, residente rin ng nasabing lugar, dahil sa sitwasyon ng relasyon ng kainiyang asawa na anak ng biktima na si Aileen Abrincillo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na dahil sa nangyari, bigla na lang nitong sinakal ang biktima hanggang sa mawalan ng hininga.

Ayon pa sa imbestigasyon ng mga awtoridad, para aniya matakpan ang krimen, dinala ni Abrincillo ang katawan ng biktima sa isang mining hole.

Samantala, agad namang narekober ng mga awtoridad ang bangkay ni Buenafe.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.