Nasa pangangalaga na ng kaniyang kapatid sa Bagumbayan Norte ang babaeng nasagip matapos magwala sa Naga City Hall noong Lunes. Sa ngayon, sumasailalim na ito sa kinakailangang medical treatment.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Annabelle Vargas, Head ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) sa Naga City, sinabi nitong prayoridad ng kanilang tanggapan na maibalik ang babae sa kaniyang pamilya.
Kaugnay naman ng pagkasira ng isang sasakyan sa insidente, iginiit ni Vargas na dapat panagutan ng pamilya ang pinsalang naidulot, lalo’t hindi umano ito ang unang pagkakataong nagkaroon ng kahalintulad na insidente.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng regular na pag-inom ng maintenance medication at pagpapakonsulta sa doktor.
Hinimok naman niya ang mga pamilya na agad lumapit sa CSWDO upang makahingi ng tulong, partikular sa pagpapagamot at iba pang kinakailangang medical assistance.














