Nasugatan ang dalawang estudyante matapos silang pagsasaksakin ng isang kapwa mag-aaral sa loob ng isang pampublikong paaralan sa Barangay Bagong Silang, Caloocan City.
Ayon sa ulat, pitong saksak ang tinamo ng isang 11-anyos na Grade 6 student, habang dalawang saksak naman ang natamo ng siyam na taong gulang na biktima. Kinilala namang 12-anyos na mag-aaral ang itinuturong suspek.
Nangyari ang insidente dakong alas-6 ng umaga habang isinasagawa ang morning formation ng mga estudyante sa lobby ng paaralan.
Agad na naaksyunan ng isang guro ang insidente at napigilan ang suspek bago humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay.
Agad namang dinala sa ospital ang dalawang biktima. Gayunman, pinayagan din silang makauwi matapos matiyak ng mga doktor na ligtas na ang kanilang kalagayan.
Bukod dito, nakatakdang sumailalim sa psychological debriefing ang mga biktima habang patuloy pang iniimbestigahan ang dahilan sa likod ng pananaksak.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na umano’y nakaranas ng bullying ang suspek at posibleng paghihiganti ang naging dahilan ng kaniyang ginawa.
Samantala, ibinahagi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na naitago umano ng suspek ang kitchen knife sa loob ng makapal na libro kaya hindi ito agad natukoy sa isinagawang inspeksyon gamit ang metal detector.
Pinuri rin ni Remulla ang mabilis na pagkilos ng mga guro sa pagresponde sa insidente.














