Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbubukas ng bagong apat na kilometrong bahagi ng Central Luzon Link Expressway sa Cabanatuan City, na inaasahang magpapabilis ng biyahe at magpapababa ng gastos sa transportasyon ng bigas.

Ayon sa Pangulo, ang bagong bukas na segment ng expressway ay makatutulong upang mabawasan ang travel time sa pagitan ng Tarlac at Cabanatuan City mula sa dating isang oras at kalahati tungo sa 20 minuto na lamang.

Dagdag pa niya, ang mas maikling biyahe ay nangangahulugan ng mas mababang konsumo ng gasolina sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, na makatutulong upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ang bigas.

Binigyang-diin din ng Pangulo na ang Nueva Ecija, na kilala bilang “Rice Granary” ng bansa, ay makikinabang nang malaki sa proyekto dahil mas mapapabilis ang distribusyon ng suplay nito sa iba’t ibang lugar.

Advertisement

“Ito ay makakatulong na makabawas sa transport cost at sa pagbawas ng transport cost, mananatili ang presyo ng bigas,” ani Marcos.

Ang bagong road segment ay inaasahang maglilingkod sa humigit-kumulang 11,500 sasakyan kada araw. Libre rin ang toll sa paggamit nito hanggang Disyembre upang mahikayat ang mga motorista at mabawasan ang trapiko sa MacArthur Highway.

Bahagi ang proyektong ito ng mas malawak na programa ng pamahalaan upang mapabuti ang mobility, mapababa ang logistics cost, at mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Kaugnay nito, kabilang din sa mga kamakailang binuksan na imprastraktura ang CAVITEX-C5 Link Segment 3B at ang bagong exit ng NAIA Expressway, na bahagi ng UPLIFT strategy ng administrasyon upang tugunan ang mga hamon sa enerhiya at transportasyon.

Advertisement