NAGA CITY- Nakataas na sa full alert status ang Batangas Police Provincial Office hinggil sa epekto ng patuloy na pag-alburoto ng Bulkang Taal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga sa Provincial Director ng Batangas PNP na si PCol. Edwin Quilates, sinabi nitong sa ngayon patuloy pa rin ang kanilang rescue operations sa mga lugar na apektado ng naturang insidente lalo na ang malapit sa bulkan.
Ayon kay Quilates, kahit medyo kumalma ngayon ang bulkan, hindi pa rin ligtas ang mga katabing lugar nito.
Aniya, mahigit 7,000 katao na ang nailikas nila mula sa mga bayan ng Laurel, Talisay, San Nicolas, Balete at Agoncillo.
Samantala, abiso naman ni Quilates sa publiko na patuloy na mag-ingat at magsuot ng mga protective masks upang makaiwas sa masamang epekto ng abo at usok sa kalusugan.