NAGA CITY- Patay ang isang bigtime drug pusher matapos manlaban sa isinagawang buy bust operation sa Zone 1 Barangay San Jose, Bombon, Camarines Sur.
Kinilala ang suspek na si Noel Vasquez, residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt Fatima Ibias Lanuza, Chief of Police ng Bombon Municipal Police Station, sinabi nito na una nang minamanmanan ng mga awtoridad si Vasquez matapos mahalata ang pabalik-balik na mga motorsiklo sa inuupahan nitong bahay.
Aniya, dito na nagsagawa ng operasyon ang himpilan ng Bombon PNP at gamit ang P500 bill bilang buy bust money, nagawang makabili ang nagpanggap na poseur buyer ng isang piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu.
Matapos na magpalitan ng item ang posuer buyer at ang suspek dito na nakipagpalitan ng putok ng baril si Vasquez at nagpakilala pa umano itong isang PDEA agent.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nagtamo ng tama ng bala ng baril ang suspek na dahilan naman nang agaran nitong kamatayan.
Dagdag pa ni Lanuza, si Vasquez ang pinaniniwalaang pangunahing nagsusupply ng mga iligal na droga sa lungsod ng Naga, Calabanga, Minalabac at sa bahagi rin ng Rinconada Area.
Sa ngayon, kinukumpirma pa ng mga awtoridad kung talagang PDEA agent ang nasabing suspek gayundin ang patuloy na isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.