Bumaba sa 27 ang bilang ng mga Chinese vessels na namataan sa ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS) nitong nakaraang linggo, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay AFP spokesperson for WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, mas mababa ito kumpara sa 35 Chinese vessels na naitala sa nakaraang monitoring report.
Mula Mayo 12 hanggang 18, namataan ang mga barko ng China Coast Guard (CCG) at People’s Liberation Army Navy (PLAN) sa iba’t ibang bahagi ng WPS. Sa Ayungin Shoal, walong barko ang na-monitor, kabilang ang isang PLAN vessel at pitong CCG vessels.
Sa Bajo de Masinloc naman, may kabuuang 14 na barko na kinabibilangan ng anim na PLAN vessels at walong CCG vessels. Isa namang CCG vessel ang namataan sa Escoda Shoal habang apat na barko, kabilang ang dalawang PLAN at dalawang CCG vessels, ang nakita malapit sa Pag-asa Islands.
Patuloy pa rin ang tensyon sa West Philippine Sea dahil sa pag-aangkin ng China sa halos buong South China Sea, kabilang ang ilang lugar na inaangkin din ng Pilipinas, Vietnam, Indonesia, Malaysia, at Brunei.
Matatandaang noong 2016 ay nagpasya ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague pabor sa Pilipinas at sinabing walang legal na batayan ang pag-aangkin ng China sa South China Sea, ngunit hindi ito kinikilala ng Beijing.














