Umabot na sa tinatayang 71 milyon ang bilang ng rehistradong regular voters para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2026, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, mas mataas ito kumpara sa 68 milyong regular voters na naitala noong 2025 national at local elections.
Sinabi rin ni Garcia na nasa 25 milyon na ang rehistradong botante para sa Sangguniang Kabataan (SK).
“More or less kung dati-rati noong 2025 elections ay meron tayong 68 million na botante na regular. Ngayon po meron tayong mga more or less 71 million na regular na mga botante,” ani Garcia sa isang panayam.
Dagdag pa niya, “Ang Sangguniang Kabataan po ay 25 million.”
Ayon sa Comelec, nasa 5.6 milyong indibidwal ang nagparehistro sa isinagawang voter registration mula Oktubre 20, 2025 hanggang Mayo 18, 2026.
Sinabi rin ni Garcia na posibleng ipagpatuloy muli ang voter registration pagsapit ng Pebrero 2027.
Ipinaliwanag din ng Comelec chairperson na ang mga SK voters ay may edad 15 hanggang 30 taong gulang.
Ang mga botanteng edad 15 hanggang 17 ay makatatanggap ng isang balota para lamang sa SK elections, habang ang mga edad 18 hanggang 30 ay makatatanggap ng dalawang balota — isa para sa SK elections at isa para sa barangay elections.
Nakatakdang idaos ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Nobyembre 2, 2026.














