Target ng Commission on Elections (COMELEC) na palawakin ang implementasyon ng Special Registration Anywhere Program (SRAP) sa mas maraming munisipalidad sa bansa upang higit na mapadali ang pagpaparehistro ng mga botante.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, layunin ng programa na mailapit sa publiko ang proseso ng voter registration sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga registration site sa mga paaralan, shopping mall, at iba pang pampublikong establisimyento.
Sa kasalukuyan, ipinatutupad ang programa sa mga highly urbanized city at provincial capital. Gayunman, nais ng komisyon na palawakin pa ang saklaw nito upang makinabang din ang mga residente sa mga karaniwang munisipalidad.
Sa ilalim ng SRAP, maaaring magparehistro bilang botante o magproseso ng paglilipat ng kanilang voter registration ang mga kwalipikadong aplikante nang hindi na kinakailangang umuwi sa kanilang orihinal na probinsya.
Inaasahan ng COMELEC na sa pamamagitan ng pagpapalawak ng programa ay mas marami pang Pilipino ang mahihikayat na magparehistro at makilahok sa mga susunod na halalan.














