NAGA CITY- Sugatan ang isang binata matapos na pagsasaksakin sa Tagkawayan, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Abel Laudit, 21-anyos, residente ng Sitio Manlayak, Barangay Rizal, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang naghihintay ng pasahero ang biktima nang dumating ang suspek na si Erickson Balane, 28-anyos, residente ng nasabing lugar.

Dito na nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang biktima at ang suspek dahil sa pasahero at nang paalis na sana ang biktima, dito na kinuha ng suspek ang isang matalim na bagay at inundayan ng saksak si Laudit.

Dahil dito, nagtamo ng saksak sa kaniyang likod ang biktima na kaagad naman na nalapatan ng lunas.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.