Ipinatupad ngayong araw ni US Pres. Donald Trump ang pansamantalang “hold” mula sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran matapos ang sunod-sunod na nabigong negosasyon, habang nananatili ang pangamba ng iba’t ibang bansa sa posibleng paglala ng sigalot at banta ng nuclear arms.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ginoong Florante Coronel, Bombo International News Correspondent mula sa Woodside, New York, sinabi niyang pumasok ang balitang binabawi ni US Pres. Trump ang banta ng malawakang pagpapasabog sa Iran dalawang oras bago ang deadline.

Ayon sa kanya, bunga ito ng emergency deal matapos ang request ng Pakistani Government na pansamantalang i-hold ang nasabing pagbabanta at bigyang-daan ang negosasyon.

Nag-ugat ang sitwasyon sa pagtanggi ng Iran sa 15-point proposal ng US noong Abril 5, na sinundan ng 10-point peace plan ng Iran kinabukasan na siya ring tinanggihan ng Estados Unidos.

Advertisement

Dahil dito, hindi pa ito maituturing na ceasefire sapagkat wala pang kasunduan ang magkabilang panig, kaya mas angkop itong ilarawan bilang pansamantalang “hold” o pagtigil ng putukan.

Sa inilabas namang pahayag ng US, hiniling nito ang pagbubukas ng Strait of Hormuz upang masiguro ang transportasyon ng oil at iba pang produkto papasok at palabas ng Iran.

Kaugnay nito, hindi pa matiyak kung ang mga pahayag ni Trump ay bahagi ng konkretong plano o pananakot lamang, at siya lamang umano ang makapagsasabi kung ito ay bahagi ng kanyang estratehiya.

Dagdag pa niya, nananatiling “unpredictable” si Trump sa kanyang mga desisyon, na maaaring dulot ng mga impormasyong hindi ibinubunyag sa publiko hinggil sa Iran.

Sa kabila nito, tila hindi naaapektuhan si Trump sa mga batikos, kabilang na ang naging pahayag ni Pope Leo XIV na tinawag na “unacceptable” ang giyera at nanawagan na itigil ang pagwasak sa humanity.

Samantala, matagal nang ugat ng tensyon ang banta ng Iran sa Israel, na nagsimula pa 47 taon na ang nakalilipas kung saan ipinahayag ang layuning burahin ito sa mapa—isang banta na nananatili hanggang sa kasalukuyan.

Ayon pa sa ulat, isa ang UAE sa mga bansang naging progresibo sa Gulf region dahil sa oil resources, na hindi umano nagawa ng Iran dahil sa nakatuon nitong misyon laban sa Israel.

Dahil dito, patuloy ang pangamba ng mga bansa, partikular ang US at Israel, na posibleng makabuo ang Iran ng nuclear arms o arsenal na maaaring magamit sa mga nabanggit na banta.

Sa kasalukuyan, hindi pa gaano apektado ang merkado sa US, at wala pang malaking pagbabago sa presyo ng prime commodities, ngunit nagkaroon ng ilang sentimong adjustments sa mga fuel pumping stations dahil sa pagtaas ng presyo sa refinery.

Sa huli, iginiit ni Coronel na karamihan sa kasalukuyang nagpapatakbo ng gobyerno ng Iran ay radikal at hindi na isinasaalang-alang ang posibleng kahihinatnan ng kanilang mga hakbang.

Advertisement