Nagpulong ang mga opisyal ng Malacañang sa pangunguna ni Executive Secretary Ralph Recto kasama ang 22 lider mula sa siyam na business groups at 25 executives ng mga kumpanya ng langis upang bumuo ng mga hakbang na magpapagaan sa epekto ng krisis sa petrolyo. Layunin ng dayalogo na protektahan ang productivity ng bansa at pigilan ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa tumitinding tensyon sa Middle East sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran.

Sa pulong, kinumpirma ni Energy Secretary Sharon Garin na ang kasalukuyang imbentaryo ng bansa ay sapat para sa average na 50 araw. Binigyang-diin ni ES Recto na pinalalakas ng gobyerno ang “oil diplomacy” upang matiyak na laging may sapat na stock ng langis at nadaragdagan ito kapag kinakailangan.

Ayon kay Recto, dahil ang diesel ang bumubuo sa halos 70 porsyento ng gastos sa transportasyon, may inilatag na mga bagong direktiba mula sa Office of the President. Kabilang dito ang mungkahi na magbukas ng mga container yard sa labas ng Metro Manila na agad ipinatupad ng Bureau of Customs upang matugunan ang port congestion.

Isinailalim din sa urgent review ng MMDA ang oras ng truck ban upang mapabilis ang daloy ng mga produkto at mabawasan ang karagdagang gastos sa mamimili. Ipinag-utos din ang pagtanggal sa mga hindi kinakailangang checkpoints, lalo na sa mga biyahero ng mabilis masirang pagkain, at ang pagpapabilis ng pagbaba ng fees sa mga lokal na pamahalaan.

Advertisement

Nanawagan si Recto sa pribadong sektor na magpatupad ng energy-saving measures at flexible work arrangements, habang iniwasan ang hindi patas na pagtaas ng presyo. Binigyang-diin niya na panahon ito para sa pagtutulungan at hindi para sa pagkamal ng tubo ng iilan.

Tiniyak ng Palasyo na ang mga tulong mula sa gobyerno, kabilang ang fuel subsidies at financial assistance, ay mananatiling targeted sa pinakamahihirap na sektor at maliliit na negosyong lubhang apektado ng krisis.

Advertisement