Bumisita sa Senado nitong Martes, Mayo 19, si Bishop Oriel Ballano kasama ang ilang pastor upang manalangin para kina Senate President Alan Peter Cayetano at ilang senador, bilang bahagi ng panawagan para sa paggaling at pagkakaisa ng bansa.

Sa kanyang social media post, ibinahagi ni Ballano na nagtungo sila sa Senate House upang dalawin at ipanalangin si Cayetano, pati sina dating Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada at Senador Mark Villar, na kasalukuyang chair ng Senate Committee on Finance.

“At the Senate House just to visit and prayed for our SP Alan Peter Cayetano,” ani Ballano sa kanyang post.

Kasama ng obispo sa pagbisita sina Pastor Dave Galido, Pastor Fred DeChaves, at Pastor Ike Serapio.

Advertisement

Ayon sa kanya, layunin ng kanilang pagdalaw ang panalangin para sa paggaling at pagkakaisa ng bansa, at binigyang-diin ang panawagang “Lord heal our land as we humbled ourselves and prayed.”

Umani naman ng iba’t ibang reaksyon online ang naturang post, kung saan may ilang netizens na sumuporta sa panawagan para sa panalangin para sa mga lider ng bansa.

Si Cayetano ay nahalal bilang Senate President noong Mayo 11 matapos makuha ang mayoryang boto sa plenaryo, kapalit ni dating Senate President Tito Sotto III, na ngayon ay Minority Leader.

Advertisement