Nakapagtala ang Mayon Volcano sa Albay ng 27 volcanic earthquakes sa loob ng 24 oras, kabilang ang tatlong volcanic tremors, habang nananatili sa ilalim ng Alert Level 3 (Intensified Unrest/Magmatic Unrest), ayon sa PHIVOLCS.

Batay sa bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang mga pagyanig mula 12 a.m. ng Biyernes hanggang 12 a.m. ng Sabado, na sinabayan pa ng 318 rockfalls at dalawang pyroclastic density current (PDC) signals.

Isa sa mga PDC ay naganap sa Bonga Gully bandang 2:28 p.m. at umabot hanggang 3-kilometrong radius, na na-monitor ng Mayon Volcano Observatory.

Patuloy din ang pag-agos ng lava sa mga pangunahing daluyan ng bulkan, kabilang ang Basud (3.8 km), Bonga (3.2 km), at Mi-isi (1.3 km) gullies, kasabay ng episodic minor strombolian activity at panandaliang lava fountaining.

Advertisement

Nakita rin ang crater glow na sapat upang mapansin gamit ang mata lamang.

Nakapagtala rin ang bulkan ng 2,785 tonelada ng sulfur dioxide emissions noong Biyernes, habang ang usok mula sa bunganga ay umabot sa 200 metro ang taas at inanod sa kanluran at west-southwest na direksyon.

Muling nagpaalala ang PHIVOLCS na nananatiling mapanganib ang bulkan dahil sa posibleng rockfalls, landslides, ballistic fragments, lava flows, pyroclastic density currents, at lahar lalo na sa panahon ng malakas at tuloy-tuloy na ulan.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang paglipad ng aircraft malapit sa bulkan.

Ayon naman sa mga lokal na opisyal, nagiging mas delikado ang posibleng lahar flow dahil sa pagkapuno ng Mi-isi Gully ng volcanic debris, na maaaring magbago sa daloy ng putik at bato patungo sa mas malalayong lugar sa oras ng matinding ulan.

Advertisement