Namataan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang Chinese research vessel na Tan Suo Er Hao sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, dahilan upang magpakalat ng sasakyang panghimpapawid noong Nobyembre 28 upang bantayan at komprontahin ang naturang barko.

Ayon sa ulat, nakita ang barko sa layong 49 nautical miles hilagang-kanluran ng Burgos, Ilocos Norte. Ilang ulit itong sinubukang tawagin sa pamamagitan ng radyo ng PCG, ngunit hindi ito tumugon.

Batay sa monitoring ng PCG, pumasok ang barko sa karagatang sakop ng EEZ ng Pilipinas noong Nobyembre 26 matapos itong magmula sa Sanya, Hainan, China. Napansin din na mabagal itong naglalayag at paulit-ulit na bumabalik sa ilang bahagi ng kanlurang baybayin ng Ilocos Norte, na posibleng indikasyon ng pagsasagawa nito ng marine survey.

Hindi na rin ito ang unang pagkakataong namataan ang Tan Suo Er Hao sa karagatang sakop ng Pilipinas. Na-monitor na rin ito sa Ilocos Norte noong Mayo 2025, Cagayan noong Disyembre 2025, at sa mga karagatang malapit sa Philippine Rise at Batanes noong Abril 2026.

Advertisement

Ipinaliwanag ng PCG na maaaring gamitin ang mga impormasyong makukuha mula sa seabed surveys upang matukoy ang kinaroroonan ng mahahalagang imprastraktura sa ilalim ng dagat, gaya ng submarine cables. Mahalaga ang mga pasilidad na ito sa seguridad ng Pilipinas at maging ng iba pang bansa.

Binigyang-diin naman ng PCG na patuloy nilang isasagawa ang mga kinakailangang operasyon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan at ipagtanggol ang soberanya at karapatang pandagat ng bansa, at tiyaking walang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang maisusuko sa anumang dayuhang kapangyarihan.

Advertisement